MANILA, Philippines – Umaabot sa P7.8 milyong halaga ng marijuana ang nasamsam ng mga awtoridad sa isinagawang serye ng operation sa mga liblib na kabunbukan ng Barangay Badeo sa bayan ng Kibungan at Barangay Kayapa sa bayan naman ng Bakun, Benguet, ayon sa opisyal kahapon.
Sa ulat ni P/Senior Supt. David Lacdan, officer–in–charge ng Benguet PNP na isinumite sa Camp Crame, nasa 18 plantasyon ng marijuana ang sinalakay ng mga awtoridad sa loob ng apat na araw na operasyon noong nakalipas na linggo.
Nakasamsam ang 33,375 puno ng marijuana, 35,500 binhi na nakatanim sa may 4,586 metriko kuwadradong plantasyon na may katumbas na halagang P 7,855,000.
Gayon pa man, walang cultivators ng marijuana ang naaresto sa isinagawang operasyon na pinaniniwalaang nagsitakas matapos makatunog sa paparating na mga awtoridad.
Nagpapatuloy naman ang paglipol sa mga sindikato o grupong nasa likod ng lahat ng uri ng illegal na droga sa rehiyon ng Cordillera.