TUGUEGARAO CITY, Philippines – Tatlong katao ang sumalubong kay kamatayan habang tatlo rin ang kritikal na naisugod sa pagamutan sa tatlong magkakahiwalay na aksidente ng motorsiklo sa Cagayan at Isabela kamakalawa.
Patay na nang mairating sa APEMD Hospital ang driver ng motorsiklo na si John Paul Realica habang kritikal ang kanyang mga angkas na sina Gerome Pagador at Lester Gaspar matapos nilang salpukin ang isang punongkahoy sa Barangay Pateng, Gonzaga, Cagayan dakong ala-1:00 ng madaling araw.
Sinabi ni SPO4 Orlan Capili, imbestigador, mabilis na pinatatakbo ni Realica ang sasakyan nang mawalan ito ng kontrol sa kurbadang daan at tumbukin ang puno ng Gmelina sa gilid ng highway.
Sa bayan ng Alcala, basag ang bungo at patay na ng mairating sa Community Hospital ang 37-anyos na si Romie Sorita nang sumalpok sa poste ng PLDT ang minamaneho nitong motorsiklo sa bahagi ng kurbadang highway malapit sa sementeryo ng Brgy. Tupang. Kritikal na isinugod sa Cagayan Valley Medical Center sa lungsod na ito ang angkas ni Sorita na si Marjorie Ramos, 28.
Sa Burgos, Isabela naman dead-on-the-spot ang obrerong si Samuel Bartolome, 47, nang salpukin ng kanyang motorsiklo ang steel railings ng kurbadang highway ng Barangay San Antonino dakong alas-6:30 ng gabi. Sinasabing nag-overtake ang biktima sa sinusundang kuliglig trailer-tractor nang mawalan ito ng kontrol sa manibela at tinumbok ang bakod ng highway.