TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Kalaboso ang binagsakan ng magbiyenan na nagpanggap na NPA rebs matapos na masakote ng mga operatiba ng pulisya kaugnay sa kasong pangongotong sa 37-anyos na trader sa bayan ng Lasam, Cagayan kahapon.?
Sa ulat na nakarating kay P/Chief Insp. Ramil Alipio, hepe ng Lasam PNP, isinailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Leonardo Santiago at Ben Orio, mga nakatira sa nasabing bayan.
Nabatid na ginagamit ni Santiago ang pangalan ni Allan Balanay alyas Kumander Kamagong upang takutin ang spare parts dealer na si Josephine Salba.
Napag-alamang kapitbahay ni Orio ang biktimang negosyante sa nasabing bayan.
Nabatid na kinuha ni Orio ang numero ng cellphone ni Salba kaya naipapaabot sa kanyang manugang na si Santiango ang mga galaw ng biktima.
Nasakote si Santiago habang kinukobra ang nakolektang P50,000 cash sa isang money shop sa bayan ng Allacapan.?
Base sa tala ng pulisya, si Kumander Kamagong na ginamit ng mga suspek sa modus operandi ay wanted kaugnay sa panununog ng isang tanggapan ng minahan sa Sta. Ana noong 2010 at sangkot din sa pagpatay kay Mayor Carlito Pentecostes ng Gonzaga noong 2013.