MANILA, Philippines – Nawasak ang himpilan ng pulisya sa bayan ng Maimbung sa Sulu matapos sumabog ang itinanim na improvised explosive device ng mga di-kilalang lalaki noong Sabado ng gabi. Sa ulat na nakarating kay Joint Task Group Sulu Commander Brig. Gen. Alan Arrojado, bandang alas-6:45 ng gabi nang yanigin ng pagsabog ang nasabing presinto sa Barangay Laum. Nawasak ang bakod, kusina, at kisame ng himpilan ng pulisya kung saan wala namang iniulat na saktan o namatay sa nasabing pagsabog. Kasalukuyang sinusuri ng mga tauhan ng Explosive Ordinance Disposal teams ang mga nagkalat na shrapnel ng bomba na pinaniniwalaang nagmula sa mga bandidong Abu Sayyaf.