Truck nakanal: 2 helper utas, driver sugatan

MANILA, Philippines - Dalawang pahinante ang nasawi habang malubha namang nasuga­tan ang driver matapos na aksidenteng mahulog sa malalim na kanal ang sinasakyan nilang truck kamakalawa ng hapon sa kahabaan ng Purok 6, San Miguel, Manolo Fortich, Bukidnon.

Kinilala ang mga na­sa­wing sina Jessie Man­tala, 40 at Dodong Pacquiao, nasa hustong gulang.

Nilalapatan ng lunas sa Provincial Hospital sa Cagayan de Oro City ang driver na si Rene Boy Sa­kayan, 25.

Batay sa ulat, dakong alas-3:30 ng hapon bago nangyari ang sakuna sa kahabaan ng highway ng nasabing lugar ay kasalukuyang bumabagtas ang Isuzu truck dropside (GLK -596) na minamaneho ni Sakayan nang mahulog ito sa malalim na kanal sa tabi ng highway.

Nabatid na ang truck ay patungong Cagayan de Oro City galing Malaybalay City, Bukidnon na puno ng mga kargang papel mula sa Census Office  nang mawalan ng preno ang truck na nagbunsod sa trahedya.

Kapwa tumilapon sa truck ang dalawang pahinante na siyang ikinamatay ng mga ito.

Show comments