Magkaibigan niratrat sa inuman

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Kritikal ang kalagayan ng 28-anyos na anak ng konsehal at isa pa nitong kainuman matapos silang ratratin ng isang negosyante sa loob ng beerhouse sa Barangay Poblacion sa bayan ng San Mariano, Isabela kamakalawa ng gabi. Sa police report na nakarating kay P/Chief Insp. Bonifacio Gannaban, hepe ng San Mariano PNP; isinugod sa United Doctors Medical Center sa Cauayan City ang mga biktimang sina Kevin Pascual, anak ni Konsehal Desiderio Pascual; at kainuman nitong si Dante Tumolva. Lumalabas sa imbestigasyon na nag-iinuman at nagkakantahan sa videoke bar ang grupo ni Pascual nang pasukin at ratratin ng suspek na si Dominic Yap bandang alas-10 ng gabi. Wala pang matukoy na motibo ang pulisya sa naganap na pamamaril habang patuloy ang imbestigasyon.

Show comments