Mataas na lider ng CPP-NPA, naaresto

MANILA, Philippines - Inaasahang mapipilayan ang puwersa ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) matapos na bumagsak sa kamay ng pinagsanib na ele­mento ng militar at pulisya ang isa sa kanilang mataas na lider sa isinagawang operasyon sa bayan ng Maco, Compostela Valley noong Huwebes ng hapon.

Sa ulat ni Major Gen. Rafael Valencia, hepe ng 10th Infantry Division (ID) ng Philippine Army, ang nadakip na mataas na lider ng CPP-NPA ay si Francisco Saramosing alyas Cadena at Isko.

Ayon kay Valencia, si Saramosing ang pinuno ng Sub Regional Peasant Bureau ng Executive Committee ng Samahang Regional Committee 2 ng NPA. Nagsilbi siya bilang dating Kalihim ng Guerilla Front 27 sa ilalim ng Southern Mindanao Regional Committee ng NPA.

Bandang alas- 5 ng hapon nang arestuhin ang suspek sa bisa ng mga warrant of arrest  na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 3 ng Nabunturan, Compostela Valley sa kasong ‘destructive arson’ at murder noong Setyembre 17, 2008; Oktubre 18, 2014 at Marso 23, 2015.

Walang inirekomendang piyansa ang korte sa natu­rang lider para sa tatlong kasong kinakaharap nito.

Show comments