NORTH COTABATO, Philippines – Nakubkob ng militar ang sinasabing training ground ng mga bagong recruit ng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Kitaotao sa Bukidnon, ayon sa ulat kahapon.
Ito ang kinumpirma ni Captain Norman Tagros, public information officer ng 8th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Nadiskubre ang nasabing training ground malapit sa Barangay White Kulaman habang nagsasagawa ng security patrol ang tropa ng militar at PNP Public Safety Company ng Bukidnon.
Una nang narekober sa area ang isang M14 rifle, RPG grenade launcher, dalawang improvised explosive devices (IED), 12 sets ng military uniforms, sako nang pinutol na steel bars na gagamitin sa paggawa ng IED fragments, blasting caps, steel bar cutter at limang matataas na explosive detonating cord.
Nasamsam din ang libro na may titulong “New People’s Army Demolition Course Manual,” na ginagamit sa pagtuturo sa mga bagong recruit na gumawa ng bomba.
Una nang isinagawa ang law enforcement operations para isilbi ang search warrant na inilabas ng korte sa nasabing lugar.