Cavite, Philippines - Sugatan ang isang 2-taong gulang na batang lalaki matapos na i-hostage ng isang lalaki na lango sa droga at umano’y hinahabol ng mga demonyo kahapon ng umaga sa Brgy. Ramon Cruz, Gen. Mariano Alvarez, sa lalawigan.
Kinilala ng pulisya ang hostage taker na si Rambo Gulam 25, may-asawa, habang ang bata ay itinago sa pangalang Jet Russel.
Matapos ang halos pitong oras na negosasyon ng pulisya at ni GMA Mayor Walter Echevarria, sumuko si Gulam at nailigtas naman ang nasabing bata.
Sa ulat GMA Police, alas 11:00 ng umaga nang magsimulang i-hostage ng suspek ang bata. Humahangos umano sa tako at nagsisigaw ang suspek at may mga humahabol umano sa kanyang mga demonyo hanggang sa makapasok sa isang compound, kung saan nadaanan nito ang biktima na naglalaro. Agad niyang hinablot ang bata at ipinasok sa loob ng bahay ng biktima bago nag-lock.
Hindi nakakilos ang ina ng biktima na nagsasampay ng mga oras na iyon. Nagkulong dito ang suspek at sa loob na rin ng bahay kumuha ng kutsilyo na siyang ginamit sa pangho-hostage sa biktima. Agad namang nagdatingan ang mga opisyales ng barangay at mga pulis pati na si Mayor Echevarria at isinagawa ang negosasyon.
Hiniling ng suspek na makita at makausap ang kanyang misis na naka-confine sa PGH Manila dahil sa may sakit, na agad namang pinasundo sa ambulansya.