MANILA, Philippines – Arestado ang itinuturing na lider ng Abu Sayyaf Group urban terrorist sa isinagawang operasyon ng tropa ng militar at pulisya sa Barangay Poblacion, bayan ng Tungawan, Zamboanga Sibugay noong Martes ng gabi. Isinailalim sa tactical interrogation ang suspek na si Ibni Acosta na may patong sa ulo na P4.3 milyon at sangkot sa Sipadan kidnapping sa Malaysia kung saan 21-katao ang binihag na karamihan ay European noong Abril 2000. Si Acosta ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest sa 21 counts ng kidnapping at serious illegal detention na inisyu ni Judge Erlinda Pinera Uy ng Pasig City Regional Trial Court Branch 162. Sa ulat ni P/Inspector Dahlan Samuddin na isinumite sa Camp Crame, ang operasyon ay pinangunahan ng PNP-Zambonga Sibugay, Army’s 6th Special Forces Battalion at 304th Aviation Intelligence Security Group.