BULACAN, Philippines – Napatay ang dalawang wanted na holdaper/karnaper matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa Barangay San Pedro, San Jose Del Monte City sa Bulacan kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang dalawa na sina Apolinario “Apollo” Bonifacio, 44; at Victorio Hosmillo, dating detenido sa National Bilibid Prison at kapwa residente sa Area FX sa nasabing barangay.
Tinutugis naman ang isa pang suspek na alyas Omar na kasabwat ng dalawa sa modus operandi.
Sa ulat na nakarating kay ni P/Supt. Charlie Cabradilla, sinalakay ng pulisya ang pinagkukutaan ng dalawa base sa warrant of arrest na inisyu ni Judge Cesar Casanova ng Malolos City Regional Trial Court Branch 80.
Gayon pa man, papasok pa lamang ang pangkat ng PNP ay sinalubong na sila ng serye ng putok ng baril hanggang sa maganap ang shootout kung saan napatay ang dalawa.
Narekober sa dalawa ang isang cal.45 pistol, tatlong cal. 38 revolver, mga bala, limang plastic sachet ng shabu, digital weighing scale, mga drug paraphernalia, tatlong motorsiklo at mga piyesa ng motortsiklo.