Amo, 4 tauhan minasaker sa Cavite

Sinusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang bangkay ng mga biktima na minasaker sa fighting cock farm sa bayan ng Amadeo, Cavite kamakalawa ng hapon. CRISTINA TIMBANG

CAVITE, Philippines  -  Magkakasunod na pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga di-kilalang kalalakihan ang 35-anyos na may-ari ng farm at apat nitong tauhan habang dalawa naman ang malubhang nasugatan sa naganap na masaker sa  isang fighting cock farm sa Barangay Halang, bayan ng Amadeo, Cavite kamakalawa ng gabi.

Base sa police report na isinumite kay P/Senior Supt. Eliseo de la Cruz ng Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, isa sa napatay na nakilala sa pamamagitan ng driver’s license nito na si Vince Garcia, tubong Butuan City, Agusan del Norte na ang tunay nitong pangalan ayon sa kanyang tiyuhin ay Ronald Pepino, may-ari ng nasabing farm.

Samantala, ang iba pang napatay ay kinila­lang sina Jose Fontillo  ng Butuan City at Gereon Dalhog ng Maco, Davao del Sur  na natukoy sa pamamagitan ng kanilang passport habang bineberipika pa ang pagkakakilanlan ng dalawa.

Patuloy namang ginagamot sa Tagaytay City Medical Center ang sugatang si Catherine May Binuso, 20; at isang lalaki na hindi natukoy ang pangalan.

Ayon sa ulat, dakong alas-7:30 ng umaga kahapon nang matagpuan ang bangkay ng apat na lalaki at isang babae ay natagpuan sa  garahe ng bahay sa nasabing farm.

Bandang alas -9 ng gabi kamakalawa nang maka­rinig ang mga residente ng sunud-sunod na putok ng baril mula sa nabanggit na farm.

Narekober sa crime scene ang 21-basyo ng cal. 9mm pistol, dalawang bala ng cal. 9mm pistol, isang magazine ng cal. 9mm pistol.

Nakuha naman sa bangkay ni Pepino ang isa pang magazine ng cal. 45 pistol, cal. 22 revolver na may anim na bala, tatlong magazine ng M16 rifle, 40-bala ng cal. 5.56, P419,300 cash na nakalagay sa kahoy na kahon, isang improvised toother at ilang shabu paraphernalia.

 

Show comments