MANILA, Philippines – Dalawang estudyante ang namatay habang apat naman ang nasagip at isa pa ang nawawala makaraang lumubog ang sinasakyang bangka sa karagatan ng Point Putangi sa Barangay Taruc, bayan ng Socorro sa Surigao del Norte noong Biyernes ng hapon.
Dalawa sa mga estudyanteng nalunod ay nakilalang sina Lara Dacera, 16, Grade 10; at Ayanie Elandag, 16, Grade 9 habang nailigtas naman ang apat na sina Leziel Mascardo, 16; Analou Enago, 16; Resma Taro, 15, at si Joshua Mascardo na pawang mag-aaral sa Nueva Estrilla National High School at mga nakatira sa Brgy. Nueva Estrilla sa nasabing bayan.
Pinaghahanap ng search and rescue team ng Phil Coast Guard at Bucas Grande ang isa pang nawawala na si Brian Gonzales.
Base sa police report na isinumite sa Camp Crame, nagkatuwaan ang mga biktima na mag-swimming sa nasabing lugar dahil sa holiday noong Biyernes kaugnay ng pagdiriwang ng pagkamatay ni dating Senador Benigno Aquino Jr.
Binalya ng malaking alon ang bangka at pinasok ng tubig bago unti-unting lumubog.