BULACAN, Philippines – Dalawa-katao ang namatay habang 12 naman ang nasugatan matapos na bumangga ang pampasaherong van sa likuran ng truck sa kahabaan ng North Luzon Expressway sa Barangay Burol 2nd, bayan ng Balagtas, Bulacan kahapon.
Namatay habang ginagamot sa Bulacan Medical Center at Jose Reyes Memorial Hospital ang mga biktimang sina Angel Michaela Dela Cruz, 18, estudyante, ng Brgy. Mojon sa Malolos City habang nasawi naman habang ginagamot si Yolanda Tan, 64, ng Brgy. Balite, Calumpit, Bulacan at kapatid ng reporter na si Carlos Marquez ng Business Mirror.
Kinilala naman ang mga sugatang sina Mary Daisy Tang, 34; Erick Alberto Tang, 11; Marjorie Espino 24; Fatima Nilo, 28; Lyka Erica Quiambao, 21; Alyssa Chua, 19; Herbert Joson, 34; Ma. Betty De Leon, Mark Lester Magalonzo, Rubielyn Tangilon, 24; naputulan ng kaliwang binti; Petronilo Santos, 39; at ang drayber ng van na si Alie Cruz, 38, ng Brgy. Balubad sa Bulakan, Bulacan.
Sumuko naman sa pulisya ang drayber ng binanggang trak na si Richard Kho, 26, ng Brgy. Tugatog sa Malabon City.
Sa imbestigasyon nina PO3 Richard Lagman at PO1 Jerald Manalo, lumilitaw na nagmenor ang 6-wheeler truck (RKX 132) ni Kho para tahakin ang Guiguinto Exit subalit sumalpok ang UV Express van (UVA 707) matapos na mawalan ng control dahil sa bilis ng pagmamaneho.