LUCENA CITY, Quezon, Philippines – Nagsimula na ang 3rd Niyogyugan Festival na pinangunahan nina Governor David “Jay-Jay” C. Suarez, Unang Ginang Anna Villaraza-Suarez, 3rd District Congresswoman Aleta Suarez at si ex-Rep. Danilo Suarez ng Lucena City, Quezon
Kabilang sa matutunghayan ay ang Agri-Tourism Trade Fair, mga kandidata ng Bb. Niyogyugan 2015, pagluluto ng santan (matamis na bao) sa Quezon, iba’t ibang produkto at pagkain na ipagmamalaki ng lalawigan, float at street dancers at ang blood letting at medical mission sa BJMP-Provincial Jail.
Ang pinakatampok na aktibidad ay ang Niyogyugan Grand Parade na magsisimula sa SM City Lucena at magtatapos sa Quezon Convention Center sa Sabado ng tanghali.
Tampok sa naturang parada ang pagandahan ng float at street dancers ng iba’t ibang bayan na magpapamalas ng kani-kanilang produkto, tradisyon at kultura.
Samantala, isasagawa ang pagbibigay pugay sa yumaong Pangulong Manuel L. Quezon sa kanyang bantayog sa Perez Park sa Miyerkules ng umaga (Agosto 19).
Gayundin, idaraos sa Queen Margaret Hotel ang pagbibigay parangal sa mga natatanging Quezonian na nagbigay ng malaking kontribusyon at dangal sa nasabing lalawigan.