Estudyante binoga sa disco bar

MANILA, Philippines – Pinaniniwalaang masamang tumingin ang isa sa motibo kaya napatay ang 22-anyos na estudyante matapos itong barilin sa ulo ng hindi kilalang lalaki sa disco bar sa Barangay Poblacion, Valencia City, Bukidnon kamakalawa ng madaling araw.

Naisugod sa Adventist Medical Center subalit idineklarang patay ang biktimang si Jereel Gayhe, estudyante sa Valencia Colleges Incorporated  at nakatira sa Purok 17-A sa nasabing lungsod.

Sa ulat ng Bukidnon PNP na isinumite sa Camp Crame, naganap ang insidente sa Detour 69 Disco Bar sa Purok 11 dakong alas-12:05 ng madaling araw.

Nabatid na nagkatuwaan ang biktima at ilan nitong kaibigang estudyante na mag-disco sa nasabing lugar kung saan sinasabing nasagi ng binata ang suspek na tiningnan nito ng masama.

Gayon pa man habang palabas na ang biktima kasama ang mga kaibigan ay sinundan ito saka binoga sa likurang bahagi ng ulo.

Duguang bumulagta ang biktima  habang tumakas naman ang suspek na sinamantala ang pagkakagulo ng mga kustomer sa disco bar.

Show comments