TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Tinukoy na kahapon ng pulisya ang pangunahing suspek sa pagpatay sa 19-anyos na college student kung saan ginamit pa nito ang sinasabing pangalan ng apo ng gobernador ng La Union para pagtakpan ang mga nauna nitong kasong kriminal sa Cauayan City, Isabela at sa Gapan, Nueva Ecija.
Sa pahayag ni P/Senior Insp. Joseph dela Cruz, hepe ng Sarrat PNP, ginagamit ang mga pangalan ng maimpluwensiyang tao ng suspek na si Victorino Mangabat Jr. upang mapaniwala ang kanyang bibiktimahin at isa na rito ay ang paggamit ng pangalang Francis Domingo Ortega na sinasabing apo ng nasabing gobernador.?
Naunang sinabi ng hepe ng pulisya na negatibo ang kanilang ginawang pagsisiyasat kung may kaugnayan ang suspek sa gobernador ng La Union. ?
Bukod sa apelyidong Ortega ay gumamit din ng pangalang Jay Ar Mangabat ang suspek na may mga nakabinbing kasong estafa sa mga nabanggit na lugar.
Maging ang plaka ng SUV na huling ginamit ng suspek nang gabing pinatay ang biktimang si Jemima Keiza Mata Andres ay pinaniniwalaang peke rin, ayon pa kay Dela Cruz.?
Matatandaan na ang bangkay ng biktima ay natagpuan sa bakanteng lote sa Barangay San Cristobal, Sarrat noong Lunes ng umaga na may tama ng bala sa ulo.
Naniniwala ang mga imbestigador ng pulisya na ang suspek na si Mangabat ang nag-text sa ama ng biktima at mga kaibigan nito ng nanghihingi ng pera gayong hindi na narekober ang cellphone ng dalaga.
Nang puntahan ng mga operatiba ng pulisya ang boarding house ng suspek ay wala na ito kasama ang kanyang pamilya nang sumunod na araw matapos matagpuan ang bangkay ng dalaga.?
Sinabi pa ni Dela Cruz na isang buwan pa lamang naninirahan sa Batac City ang pamilya ng suspek kaya walang sinumang nakakilala sa kanila.