Ambush: Opisyal ng PNP kritikal

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Nasa kritikal na kalagayan ang deputy PNP director ng Camarines Sur habang napatay naman ang kanyang pamangkin makaraang tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang kanilang sasakyan sa kahabaan ng highway sa Barangay Salvacion, bayan ng Bato, Camarines Sur kamakalawa ng gabi. Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan sa Mother Seton Hospital si P/Supt. Romeo Pillonar habang namatay naman ang pamangkin nitong si Domingo Landagan. Samantala, nakaligtas naman sa tiyak na kamatayan ang bodyguard na si PO2 Ian Dave Ramos. Base sa ulat na isinumite sa Camp Simeon Ola, binabagtas ng convoy ni Pillonar ang kahabaan ng highway patungo sa kampo nang tambangan at pasabugan ng mga rebelde. Napuruhan si Landagan na nakamotorsiklo habang si PO2 Ramos na nakamotorsiklo naman ay humingi ng tulong sa kanyang kabaro. Kaagad na rumesponde ang mga miyembro ng PNP 2nd Maneuver Platoon na nakabase sa Barangay Nierva subalit hindi na inabutan ang mga rebelde.

Show comments