‘Anti-dynasty bill, kailangan na’ - Fermin

Atty. Michael C. Fermin

BULACAN, Philippines – Nanawagan ang isang lokal na mambabatas sa Bulacan sa Kongreso na kinakailangang ipasa na ang anti-dynasty bill matapos suportahan ni Pangulong Noynoy Aquino sa State of the Nation Address (SONA) noong Lunes.

Sa pahayag ni 1st District of Bulacan Board Member Atty. Michael C. Fermin, chairman ng Board Member’s League of Central Luzon, malaking bagay ang pagsuporta ng Pangulo para maipasa ang anti-dynasty bill bago ang national elections sa Mayo 2016.

“Napapanahon na ang pagpasa ng anti-dynasty bill upang matuldukan ang monopoliya sa pulitika kung saan iilang pamilya lamang ang nagkakaroon ng pagkakataong maglingkod sa bayan,” pahayag ni Fermin

Kabilang ang Bulacan ang may pinakamaraming political dynasty kaya nakatitiyak ang lokal na mambabatas na maraming Bulakenyo ang sumusuporta sa nasabing panukalang batas.

“Nakalulungkot na dalawang dekada ang lumipas nang pagtibayin ng taumbayan ang 1987 Constitution subalit hanggang ngayon ay hindi pa naipapasa ang anti-dynasty bill,” dagdag pa Fermin.

“Dahil sa kawalan ng batas, maraming angkan ng pulitiko ang nananatili sa puwesto sa loob ng ilang dekada, at pinagpasa-pasahan mula sa lolo hanggang sa apo ang karapatan na manungkulan sa bayan na dapat sana ay ibinabahagi sa ibang may kakayahan na maglilingkod,” paliwanag pa Fermin

Sinabi pa ng mambabatas na matunog na makakabangga ng pinakamalaking dinastiya sa unang distrito ng Bulacan ang isyu ng anti-dynasty bill kaya dapat itong ipasa ng Kongreso sa nalalabi nitong session bago ang eleksyon.

Show comments