300 mag-aaral nalason sa purga ng DOH

Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Umaabot sa 300 mag-aaral mula sa elementarya at high school ang nalason matapos magsuka at sumakit ang tiyan ilang oras matapos purgahin (deworming) sa ilalim ng proyekto ng Department of Health (DOH) sa ilang lalawigan ng Region 9 at Region 10 kahapon ng umaga.

Kabilang sa mga biktima na nabigyan ng Albendazole (chewable pill) ay mula sa mga lalawigan ng Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Sur at Zamboanga del Norte (Region 9) habang aabot naman sa 179 mag-aaral sa Bukidnon, Misamis Oriental, at Misamis Occidental (Region 10)

Sa phone interview, sinabi ni P/Senior Supt.  Celso Bael, provincial director ng Zamboanga Sibugay PNP, sa kanilang lalawigan pa lamang ay aabot na sa 100 estudyante mula sa elementarya at high school ang isinugod sa Alicia District Hospital.

Nabatid na ang deworming campaign (Goodbye Bulate) ay nationwide project ng DOH sa mga pampublikong eskuwelahan sa elementarya at high school.

Samantala, sa ulat naman ni Dr. Nimfa Turrizo, regional office ng DOH sa OCD, nasa 70 estudyante naman ang isinugod sa pagamutan bunga ng insidente.

Ilang insidente rin ang napaulat mula naman sa Zamboanga del Sur na kasalukuyan pang inaalam kung ilan ang eksaktong bilang.

Nabatid na dakong alas-10 ng umaga ng isagawa ang deworming campaign sa mga estudyante sa nasabing mga lalawigan.

Gayon pa man, ilang oras matapos ang pagpurga ay dumaing ng pananakit ng tiyan at nagsipagsuka ang mga estudyante kaya kaagad na isinugod sa pagamutan.

Sa paliwanag naman ng mga manggagamot na sumuri sa mga biktima na dapat ay busog ang mga pinupurga dahil kung walang laman ang sikmura ay magsusuka at sasakit ang tiyan.

Nagpasaklolo na ang lokal na pamahalaan ng mga lalawigan sa Region 9  dahil nangangailangan ng dextrose ang mga biktima kung saan kinapos sila sa supply.

Show comments