OLONGAPO CITY, Philippines – Ikinasa ng mga operatiba ng pulisya ang malawakang pagtugis sa pangunahing suspek sa pagpatay at pagsunog sa 23-anyos na dalaga kung saan natagpuan ang bangkay nito sa dike sa bahagi ng Sto. Tomas River sa bayan ng San Felipe, Zambales noong Sabado ng umaga.
Bandang alas-6 ng umaga nang matagpuan ang sunog na katawan ni Karie Ces “Aika” Mojica ng Barangay Sta. Rita sa nasabing lungsod at kawani sa isang supermarket.
Samantala, pinaghahanap naman ang pangunahing suspek na si Jonathan Dewayne Ciocon Viane, 29, Fil-American, at nakatira sa Wawandue, Subic; at isa pang hindi kilalang lalaki.
Sa impormasyong nakalap ng pulisya, huling namataang buhay ang biktima habang kausap ang suspek sa gasolinahan noong Biyernes.
Ayon sa pulisya, ang biktima ay iginapos at ilang bahagi ng katawan nito ay sinunog habang narekober naman sa crime scene ang tatlong basyo ng bala ng cal. 9mm pistol.
Nabatid din na dumalo sa birthday party ng kanyang kaibigan ang biktima kung saan hindi na nakauwi.
Wala naman palatandaang hinalay ang biktima habang isinumite na ng pulisya sa Zambales prosecutor’s office ang kasong murder laban sa mga suspek.