TUGUEGARAO CITY, Philippines - Isang 14-anyos na high school student ang nasawi habang anim na kaklase ang sugatan matapos bumigay ang depektibong steel bleachers na kanilang tinutuntungan sa gym ng kanilang eskwelahan sa Brgy. Dipintin, Maddela, Quirino kamakalawa. ?Sa report kay Chief Insp. Walter Pasicolan, hepe ng Madella PNP, dead-on-arrival sa pagamutan si Harley Vallejo Jr., third year student sanhi ng pagkabagok ng kanyang ulo at nabaling leeg nang madaganan ng bahagi ng bumigay na bakal. Lumalabas na nasa pinakataas na bahagi ng bleachers ang nasawi nang bumagsak ito habang nagsasagawa ng klase ang mga mag aaral dakong alas-10:00 ng umaga. Tatlo sa anim pa ang isinugod sa Maddela District Hospital ang nasa kritikal na kalagayan na sina Jessabel Estabeln, 14, Grace Mejia, 15 at Jimson Reyes, 14. Sinisiyasat ngayon ng pulisya ang maaaring responsibilidad ng Madella National High School at kontratista ng depektibong bleachers sa nangyaring sakuna.