MANILA, Philippines – Umaabot sa labing-dalawang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at apat na sundalo ang napaslang sa serye ng bakbakan kamakalawa sa Maguindanao.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Pio Gregorio Catapang Jr., nagtamo rin ng 14-sugatan ang BIFF habang dalawa naman ang nadagdag na sugatan sa hanay ng mga sundalo.
Sumiklab ang bakbakan dakong alas-9 ng umaga sa liblib na bahagi ng Barangay Malangog, Datu Unsay at bandang alas-9:50 naman ng umaga sa Brgy. Pamalian, Shariff Saydona sa Maguindanao.
Nakasagupa ng Army’s 6th Scout Ranger Company sa pamumuno ni Captain Blas Alsiyao ang grupo ni Comander Bungos na nasundan naman ng panibagong bakbakan.
Sa panibagong bakbakan naman sa tropa ng Army’s 34th Infantry Battalion at grupo ng mga bandido ay napatay ang lider ng BIFF na si Yusoph Abesalih alyas Commander Bisaya na sinasabing sangkot sa pagmasaker sa 44 Special Action Force (SAF) commandos sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Kahapon ay pormal na ring tinapos ng AFP troops ang opensiba laban sa BIFF kung saan umabot sa kabuuang 151 bandido ang napatay habang 65 naman ang nasugatan at 12 ang nasakote simula noong Pebrero 21.
Sa panig ng AFP, sampung sundalo ang namatay at aabot naman sa 30 ang nasugatan.