BULACAN, Philippines – Hiningan ng paliwanag ni Bulacan Rep. Joselito “Jon-Jon” Mendoza ang pamahalaang panlalawigan kahapon kung saan na napunta ang P1.850 bilyong inutang nito sa Philippine National Bank (PNB) noong 2012 at 2013 para sa iba’t ibang proyektong pang-imprastraktura.
Sa ginanap na Kapihan sa Diamond Hotel media forum, pinuna Mendoza na walang malinaw na pruweba o paliwanag ang pamahalaang panlalawigan sa pinagkagastusan ng P1.850 bilyon.
Si Rep. Mendoza na naging gobernador din ng Bulacan ang nagpahayag na dapat ay para sa mga silid-aralan, kalsada, multi-purpose halls at iba pang kahalintulad na proyekto gagastusin ang pondo.
“Subalit hanggang ngayon, walang malinaw at detalyadong ulat na maibigay ang aming gobernador na si Wilhelmino Alvarado kaugnay sa anong proyekto na ang natapos o nasimulan,” pahayag ni Mendoza
“At ang malungkot nito, ang taumbayan ang magbabayad ng P1.850 bilyon na iyun na aabot ng P4 bilyon sa loob ng 15-taon sa ilalim ng kasunduan ng bangko at ng pamahalaang panlalawigan,” dagdag pa ni Mendoza
“Dapat na ring magpaliwanag si Alvarado kung anong aksyon na ang ginawa nito sa ulat ng Commission on Audit na may 2,510 kaduda-dudang transaksyon ang pamahalaang panlalawigan noong 2012 na nagkakahalaga ng P645 milyon,” paliwanag pa ni Mendoza.
Kabilang sa mga sinasabing kwestunableng mga transakyon na nadiskubre ng COA ay hindi malinaw kung kailan eksakto dineliber ang mga binili, anong brand at ano ang specifications ng mga ito.