MANILA, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang misis habang malubha namang nasugatan ang kanyang 17-anyos na anak na dalaga matapos na kuyugin at bugbugin ng kanilang kapitbahay na mag-asawa’t anak sa Barangay Bagania, bayan ng Tabina, Zamboanga del Sur kamakalawa.
Halos mabasag ang bao ng ulo ng biktimang si Carmelina Vargas habang ginagamot naman sa ospital ang dalagang anak na si Glory Jean Vargas na nagtamo ng mga pasa at kagat sa likuran ng katawan.
Sa ulat ni P/Inspector Dahlan Samuddin, PNP regional spokesman na isinumite sa Camp Crame, naitala ang krimen dakong alas-4:50 ng madaling araw kung saan sinugod ang mag-ina sa kanilang bahay ng mag-asawang Jose Albia, 47; Natividad Albia, 44, gayundin ang anak na si Joemar Albia, 24.
Agad na kinuyog ang mag-ina na noo’y kagigising lamang kung saan pinaghahampas ng matigas na bagay saka pinagsisipa, sinampal, kinagat sinabunutan at sinuntok.
Sa tindi ng mga sugat at galos sa katawan patikular sa ulo nito ay namatay ang biktima habang nasakote naman ng mga operatiba ng pulisya ang mag-asawa at anak na nahaharap sa kasong kriminal.
Lumilitaw naman sa inisyal na imbestigasyon na nakaaway ni Carmelina ang misis ni Jose sa hindi nabatid na dahilan.