QUEZON, Philippines - Sa ikaapat na pagkakataon ay naaresto rin ang itinuturing na shabu queen sa inilatag na drug bust operation ng mga operatiba ng pulisya at Phl. Drug Enforcement Agency (PDEA), kamakalawa ng umaga sa Purok Dupax, Barangay Bantilan sa bayan ng Infanta, Quezon. Kinasuhan na ng paglabag sa RA 9165 ang suspek na si Jocelyn Gonzales, 41, dalaga at nakatira sa nasabing barangay. Dakong alas-5:50 ng umaga nang masakote ang suspek sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Agripino Morga ng San Pablo City Regional Trial Court Branch 62 sa Laguna. Nasamsam sa suspek ang 20 plastic sachets na shabu at mga drug paraphernalia. Ayon sa pulisya, tatlong beses na umanong nasasakote ang suspek kaugnay sa pagtutulak ng shabu subalit nakapagpipiyansa at muling nagsasagawa ng modus operandi.