Pulis itinumba sa paaralan

File photo

MANILA, Philippines – Pinabulagta ang 43-anyos na pulis matapos itong pagbabarilin ng tatlong armadong lalaki sa gate ng elementary school sa Purok Santalan, Barangay Poblacion sa bayan ng Dinas, Zamboanga del Sur kamakalawa ng umaga. Bandang alas-7:30 ng umaga nang lapitan at ratratin ang biktimang si SPO1 Edwin Pascua ng Dinas PNP at nakatira sa Purok Chandeller sa nasabing barangay. Samantala, isinugod naman sa Chavez Medical Clinic ang sugatang estudyante na si Norhana Molahaw matapos itong tamaan ng ligaw na bala sa bahagi ng katawan. Sa ulat na isinumite ni P/Chief Inspector Dahlan Samuddin sa Camp Crame, naganap ang insidente sa harapan ng Dinas Central Elementary School sa Purok Santalan. Lumilitaw sa imbestigasyon na palabas na sa gate ng eskuwelahan ang biktimang lulan ng motorsiklo patungo sa Dinas PNP station nang lapitan at ratratin. Duguang tumilapon sa motorsiklo ang biktima habang tinamaan naman ng ligaw na bala ang estudyanteng si Molahaw na nagkataong nasa lugar. Sa follow-up investigation ay natukoy naman ang isa sa suspek na si Anwar Ansang.

Show comments