MANILA, Philippines – Brutal na pinaslang sa harap ng kanyang nag-iiyakang misis at mga anak ang isang off–duty na miyembro ng CAFGU sa isang liblib na lugar sa Purok Sampaguita, Malabog, Paquibato District, Davao City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Col. Romeo Brawner Jr., Spokesman ng AFP Eastern Mindanao Command ang nasawi na si Romelito Jumang-it, 34- anyos na nagtamo ng mga tama ng bala ng cal. 45 pistol na gad nitong ikinasawi.
Sa imbestigasyon, dakong alas-3 ng hapon habang abala sa bukid ang biktima kasama ang misis nito at mga paslit na anak nang biglang dumating ang mga armadong rebelde.
Walang nagawa ang biktima matapos tutukan ng baril, kaladkaring paluhod at ratratin ng mga armadong rebelde na hindi man lamang pinakinggan ang pagmamakaawa sa buhay nito ng umiiyak nitong asawa at mga anak.
Bago ito, kamakailan lamang ay tinambangan ng mga rebelde ang isang hauler truck ng niyog sa kahabaan ng Puyat Road, Brgy. Cancavan, Carmen, Surigao del Sur na ikinasugat ng driver na si Jimmy Dales.