3 sundalo utas sa landmine ng Abu

STAR/File photo

NORTH COTABATO, Philippines - Tatlong sundalo kabilang ang dalawang tinyente ang napatay habang anim naman ang nasugatan makaraang  masabugan ng landmine na itinanim ng mga bandidong Abu Sayyaf Group ang convoy ng militar sa kahabaan ng highway sa Barangay Pansul, bayan ng Patikul, Sulu noong Miyerkules.

Kabilang sa mga napatay ay sina 1st Lt. Emerson Somera,  1st Lt. Ferman James Magbanua, at si Sgt. Niel Daez na pawang mga nakatalaga sa Army’s 32rd Infantry Battalion.

Isinugod sa  Teodulfo Bautista Station Hospital ang  mga nasugatang sina S/Sgt. Julieto Payumo, Cpl. Carlos Baguio, Pfc. Quinonez, Pfc. Jay Sumagang, Pfc. Nasser Adian at si Pfc. Rami Akyatan. 

Tatlo naman ang dinala sa Camp Navarro Hospital sa Zamboanga City dahil sa seryosong kalagayan.

Naganap ang insidente dakong alas-11:55 ng umaga habang bumabagtas ang convoy ng resupply provision ng tropa ng Joint Task Group Sulu sa road pro­ject sa Barangay Pansul ng sumambulat ang patibong na landmine ng mga bandido sa bahagi ng Sitio Bud Bunga kung saan sinundan naman ng pananambang sa mga sundalo.

Sa kabila ng sorpresang patraydor na pag-atake ay pumosisyon ang tropa ng militar na agad nakipagsagupa sa  mga umaatakeng kalaban kung saan umabot ng 30-minuto ang bakbakan hanggang sa umatras ang mga bandido.

Show comments