MANILA, Philippines – Dalawampu’t tatlo-katao ang nasugatan makaraang mahulog ang pampasaherong bus sa may 37 talampakang lalim na bangin sa gilid ng Marcos Highway sa Sitio Umesbeg, Barangay Taloy Sur, bayan ng Tuba, Benguet kahapon ng madaling araw.
Kabilang sa mga pasaherong isinugod sa Baguio General Hospital and Medical Center ay sina Levy Dipad, 53, driver ng bus; Rehana Malaco, 17; Noraina Malaco, 26; Walfina Malaco, 24; Renato Dizon, 45; Myrna Roperto, 23; Joel Mangubat, 37; Ricardo Tolention, 39; Romilo Florez, 49; Christopher Dacanay, 26; at iba pa.
Isa namang 25-anyos na turistang Finnish national na si Vesa Puosi at isang sanggol ang masuwerteng hindi naman nasugatan.
Sa ulat ni Cordillera PNP Director P/Chief Supt. Isagani Nerez, bumabagtas ang Victory Liner (CXS 967) na minamaneho ni Dipad na may lulang 46-pasahero at patungo sa Baguio City mula sa Pasay City nang masilaw ang driver ng bus sa kasalubong na truck na nang-agaw ng linya.
Ayon sa kunduktor na si Michael Rodriguez, nakabig ni Dipad ang manibela pagsapit sa pakurbadang highway saka nagtuluy-tuloy na sumabit sa punungkahoy bago mahulog sa bangin.?
Tinutunton ngayon ng mga operatiba ng pulisya ang pagkakakilanlan ng driver ng truck na tumakas matapos ang sakuna.