Opisyal ng ARMM, itinumba

NORTH COTABATO, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa isang opisyal ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) matapos itong pagbabarilin ng di-kilalang lalaki sa harap ng supermarket sa Cotabato City, Maguinda­nao kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Cotabato City PNP Director P/Senior Supt. Rolen Balquin ang biktimang si Norodin Manalao, executive director ng Regional Reconcialation and Unification Council (RRUC-ARMM).

Naisugod pa ang biktima sa Cotabato Emergency Specialist Hospital subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Nagtamo ng 11-tama ng bala ng baril ang biktima sa tagiliran na tumagos sa kanyang dibdib.

Batay sa ulat ng pulisya, ipinarada ng biktima ang SUV sa gilid ng kalsada para hintayin ang kanyang misis nang lapitan at ratratin ng gunman bandang alas-5:30 ng hapon.

Si Manalao ay kila­lang tagasulong ng kapayapaan sa rehiyon at tumutulong na maresolba ang ang mga clan war.

Agad namang inatasan ni Mayor Japal Guiani ang pulisya na tutukan ang im­bestigasyon ang pamamaril sa biktima.

Show comments