P3.5-B shabu lab ni-raid: Ex-mayor, 3 pa tiklo

Philstar.com/File

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - Hindi bababa sa P3.5 bilyong halaga ng pitong drum na liquid shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng pulisya at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang raid sa clandestine drug laboratory na pag-aari ng dating alkalde na naging opisyal ng Commission on Elections sa Barangay Nicolas Agatep, bayan ng Lasam, Cagayan kamakalawa.

Kinilala ni PDEA Regional Director Juvenal Azurin ang mga suspek na sina ex-mayor Atty. Orlino Agatep Sr., Benjamin Chua na sinasabing may-ari ng bodega sa Barangay Newagac; Nelson Millare at si George Cortez kung saan nasamsam ang ilang kilong chemical na sangkap sa paggawa ng shabu.?

Sa ulat ni Cagayan Valley PNP Director P/Chief Supt. Miguel Laurel, sinalakay din ang mansion ni Atty. Agatep kung saan nasamsam ang tatlong cal. 9mm pistol, 357 Magnum revolver at ang 12-gauge shotgun.

Nabatid sa ulat na si Atty. Agatep Sr. ay sinasabing amain ni Victor Isaac Agatep na napatay matapos salakayin  ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang kanyang bahay sa Brgy. Callao, bayan ng Lasam noong Enero 25.?

Si Atty. Agatep ay nahalal na alkalde ng Lasam noong 1988 at naging Comelec Registrar ng Tuguegarao City, Cagayan hanggang 2009.?

Ayon kay Laurel, ang pitong drum na inisyal na narekober sa raid ay makagagawa ng 700 kilong shabu na may street value na hindi bababa sa P3.5 bilyon. ?

Patuloy pa rin ang imbentaryo sa mga nasamsam na kemikal at kagamitan sa isinagawang pagsalakay base sa ipinalabas na search warrant ng mababang hukuman.

Ayon kay Azurin,  isang taon nang tumatakbo ang nasabing laboratoryo kung saan nagbunga rin ng ilang buwang surveillance bago isinagawa ang matagum­pay na ope­rasyon.

Show comments