MANILA, Philippines - Pinabulagta ang 34-anyos na pampublikong guro makaraang pagbabarilin ng dalawang di-kilalang lalaki sa bisinidad ng Purok Doña Iming, Barangay Sanito sa bayan ng Ipil, Zamboanga del Sur kamakalawa. Apat na tama ng bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Roderic Ernie Menez, guro sa Magdaup Elementary School at nakatira sa Purok Mirasol, Barangay Poblacion. Sa ulat na isinumite sa Camp Crame, huling namataang buhay ang biktima na lulan ng traysikel, kasama ang dalawang di-kilalang lalaki patungo sa Barangay Sanito kung saan pagsapit sa may gilingan ay naglakad na patungo sa palaisdaan. Gayon pa man, nakarinig ng sunud-sunod na putok ng baril ang mga residente at nang usisain ang pinanggalingan ng putok ay bumulaga ang duguang biktima.