MANILA, Philippines – Dahil lamang sa buwig na saging ay napatay ang 39-anyos na magsasaka matapos itong pagtatagain ng may-ari ng ninanakaw nito sa bayan ng Las Nieves, Agusan del Norte kamakalawa. Animo’y kinarneng baboy ang katawan ng biktimang si Placido Sembrano ng Sitio Subait sa Brgy. Bonifacio. Arestado naman ang suspek na si Tirso Rapana, 35, kapitbahay ng biktima. Sa police report na isinumite sa Camp Crame, nasa loob ng bahay ang suspek nang marinig nito ang sunud-sunod na kahol ng kanilang aso sa bakuran kung saan nakatanim ang mga puno ng saging at iba pang prutas. Inusisa naman ng suspek at naaktuhan ang biktima habang tinitibag ang ninanakaw nitong buwig ng saging sa kaniyang bakuran. Gayon pa man, nagalit ang suspek at pinagtataga ang biktima.