MANILA, Philippines — Pitong miyembro ng New People's Army (NPA) ang patay matapos makaengkwentro ng mga militar sa Alabel, Sarangani kahapon.
Bandang 3:30 ng hapon nakalaban ng 73rd Infantry Battalion ang mga miyebro ng NPA sa Sitio Tugal sa Barangay Datal Anggas.
Ayon sa tagapagsalita ng10th Division na si 1Lt. Vergel Lacambra nasa 30 rebelde ang nakabakbakan ng mga militar na kabilang sa NPA South Mindanao Regional Committee.
Naunang iniulat ng militar na siyam ang nasawi sa hanay ng NPA, ngunit tanging pitong bangkay lamang ang kanilang narekober.
Sinabi naman ni Maj. Ezra Balagtey, public affairs chief ng Armed Forces Eastern Mindanao Command, na lima sa pitong nasawi ay mga pinuno ng NPA.
Nakilala ang mga nasawi na sina alyas "Brigol," deputy secretary at political officer ng Guerilla Front 71; "JM," team leader at logistics officer; "Jonas," team leader; "Lieutenant," isang vice team leader; "Mark," medic; at isang bagong miyembro na si "Monet."
Hindi pa naman nakilala ang pampitog nasawi na isang babae.