TUGUEGARAO CITY, Philippines – Nasakote ng tracker team ng pulisya ang isang lider ng notoryus na carnapping gang matapos itong masukol sa kaniyang pinagtataguan sa liblib na bayan ng Delfin Albano, Isabela. Ayon kay Sr. Insp. Jayson Batuyon, hepe ng pulisya sa bayang ito, inaresto si Jeffrey Antonio sa isang bahay sa tagong Brgy. ng Andarayan na nasa kabilang pampang pa ng Cagayan River. Naging puspusan ang pagtugis ng pulisya kay Antonio matapos ipalabas ni Laoag city RTC Judge Perla Querubin ang warrant of arrest laban dito kaugnay ng kasong carnapping. Nabatid na ang grupo ni Antonio ang responsable sa ilang kaso ng carnapping ng sasakyan sa Region 1 at 2.