Kampo ng Abu Sayyaf nakubkob

MANILA, Philippines – Umiskor ang tropa ng mga sundalo matapos na makubkob ang malaking kampo ng mga bandidong Abu Sayyaf Group sa isinagawang operasyon sa liblib na bahagi ng Barangay Langhub sa bayan ng Patikul,  Sulu  kahapon ng umaga.

Ayon kay Captain Rowena Muyuela, spokesperson ng AFP-Western Mindanao  Command, nakubkob ng tropa ng Joint Task Group Sulu sa pamumuno ni Col. Alan Arrojado ang 42 istraktura kabilang ang ilang kubo na maaring pagtaguan ng 100 bandido.

Narekober sa kampo ng mga bandido ang iba’t ibang uri ng mga armas kabilang ang 57 recoiless rifle, M60 machine gun, M203 grenade launcher, AK 47 assault,  M16 rifle, M 14  rifle , 2 ICOM radios, marble gun, apat na jungle hammocks, mga personal na kagamitan, at iba pa.

“This AFP effort is still part of the joint AFP-PNP Law Enforcement Operations to capture/eliminate lawless elements particularly the ASG in the area to achieve long and lasting peace,”pahayag pa ng opisyal.

Sa tala ng militar, ang grupo ng Abu Sayyaf ay sangkot sa serye ng kidnap-for-ransom, ambushcades laban sa tropa ng pamahalaan, pamumugot sa mga hostages at pambobomba na naging notoryus simula pa noong dekada 90.

Show comments