MANILA, Philippines - Arestado ang itinuturing na ikalawang mataas na lider ng New People’s Army sa Bicol Region sa isinagawang operasyon ng tropa ng militar at pulisya sa Cabuyao, Laguna kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Major Angelo Guzman, spokesman ng AFP Southern Luzon Command ang lider ng NPA na si Reynaldo Hugo, executive operations officer ng NPA sa Bicol Region.
Ayon kay Guzman, si Hugo na gumagamit ng mga alyas Ka Adel, Bitoy, Yulo at Ka Julian ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest sa kasong multiple murder at multiple frustrated murder na inisyu ng Branch 50, 5th Judicial Region sa San Jose, Camarines Sur.
Nabatid na ang grupo ni Hugo ay sangkot sa talamak na pangingikil ng revolutionary tax sa hanay ng mga sibilyang hinaharass nito.
Magugunita na noong nakalipas na taon ay tatlong matataas na lider ng NPA sa Bicol Region ang nasakote ng mga awtoridad na kinilalang sina Mario dela Cruz, regional secretary ng kilusan; Sylvestre Layones, executive committee at si Elias Florentino Pura, secretary ng NPA sa Sorsogon. Joy Cantos