MANILA, Philippines – Sa kabila ng pagkamatay ng mga tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) ay napaslang din naman umano ang isang opisyal ng teroristang grupong Jemaah Islamiyah sa Mamasapano, Maguindanao, ayon kay Defense Secretary Voltaire Gazmin.
"The Maguindanao [incident] is a PNP operation of high-value [targets], as initial reports, they were able to neutralize one of them, 'Marwan' (Zulkifli bin Hir) although Basit Usman, managed to escape," wika ni Gazmin na iniulat ng Philippine News Agency.
Iginiit ni Gazmin na kinukumpirma rin nila ito sa iba pang sources.
Si Marwan ang isa sa pinaghahahanap ng US Federal Bureau of Investigation na may $15-milyon na patong sa ulo. Ang Jemaah Islamiyah official ang itinuturong nasa likod ng pambobomba ng mga Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao.
Nauna nang sinabi ng gobyerno na napaslang na noong 2012 si Marwan, ngunit namataan ito sa Mindanao.
Ayon sa mga naunang ulat, may dalang warrant of arrest ang PNP-SAF para kay Marwan na nakatira sa bahay ni Imam Manan, ang senior official ng 105th Base Command ng MILF sa Barangay Tukanilap.
Tinatayang hindi bababa sa 30 PNP-SAF ang nasawi, kung saan sa pinakahuling ulat ay nasa 20 bangkay na ang narekober.