MANILA, Philippines – Tinatayang aabot sa P2.7 milyong halaga ng marijuana ang sinunog ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa probinsya ng Benguet, inulat kahapon. Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Arturo Cacdac Jr., ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng PDEA-Cordillera Administrative Region (CAR), Regional Public Safety Battalion (RPSB), Benguet Provincial Public Safety Company (BPPSC), at Bakun Municipal Police Station sa Sitio Balisawsaw at Nacneng, Barangay Kayapa, Bakun, Benguet na nagresulta sa pagkakabuwag sa isang plantasyon ng marijuana na may lawak na 2,572 square meters. Bagaman walang nadakip na suspek sa operasyon, sinira at sinunog naman ng PDEA ang may 12,000 fully grown marijuana plants at 7,500 marijuana seedlings sa lugar.