Mag-utol inatado ng pinsan

BULACAN, Philippines – Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang magkapatid matapos na pagtatagain ng kanilang pinsang lalaki na pinaniniwalaang sinapian ng masamang espiritu kamakalawa ng gabi sa Barangay Caypombo, bayan ng Sta. Maria, Bulacan. Naisugod sa Rogasciano M. Mercado Memorial Hospital ang mag-utol na sina Yolanda Salvacion, 43; at Arjay Salvacion, 21, kapwa nakatira sa nabanggit na barangay habang nasakote naman ang suspek na si Ricardo Del Rosario, 45, obrero, ng Kalye Malabon sa nasabing barangay. Sa imbestigasyon ni SPO1 Jericho Faigmane, nagwala ang suspek na may hawak na matalim na itak at pinalalabas ng bahay ang mga biktima. Hindi naman pinagbigyan ng mag-utol ang kahilingan kaya pinagtataga nito ang kanyang mga pinsan. Sinisilip ng pulisya ang anggulong hidwaan sa pamilya ang motibo ng suspek.

Show comments