NORTH COTABTO, Philippines – Kalaboso ang binagsakan ng 35-anyos na mister makaraang saksakin nito ang sariling misis na tumangging magpasiping sa kanya sa Barangay Gang, bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Senior Insp. Esmael Madin, hepe ng Sultan Kudarat PNP ang suspek na si Mohadin Abdul habang sugatan naman ang misis nitong si Samra Abdul, 30, kapwa nakatira sa nasabing barangay.
Sa ulat ng pulisya, bandang alas-10:30 ng gabi nang makarating sa kanilang bahay ang mag-asawa mula sa trabaho. Gayon pa man, niyaya ni Mohadin ang kanyang misis na sumiping subalit tumanggi ito.
Dahil dito ay uminit ang ulo ni Mohadin kaya sinaksak ang kanyang misis gamit ang bakal na tubong may haba ng 6 pulgada.
Sumaklolo ang mga kapitbahay at agad na naisugod sa Cotabato Regional and Medical Center ang biktima habang ang mister nito ay nasa kustodiya na ng Sultan Kudarat PNP.