BULACAN, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa 27-anyos na lalaki na sinasabing suspek na drug pusher matapos itong pagbabarilin ng di-kilalang lalaki sa harapan ng tindahan sa Barangay Sta. Cruz, bayan ng Sta. Maria, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Tatlong bala ng cal.45 pistol ang tumapos sa buhay ni Emmanuel Santos ng Matimyas Street sa Barangay Sta. Cruz sa nasabing bayan.
Ayon kay SPO1 Jericho Faigmane, kausap ng biktima ang kaibigang si Marlon Castro sa harap ng tindahan nang lapitan at ratratin ng di-kilalang gunman.
Hindi naman idinamay ng gunman si Castro at kapatid na lalaki ng biktima kung saan palakad na lumayo sa crime scene ang gunman.
Napuruhan sa ulo at balikat ang biktima habang nakatulala naman ang kanyang kapatid matapos masaksihan ang krimen.
Sinisilip ng pulisya ang anggulong onsehan sa bawal na droga ang isa sa motibo sa pamamaslang.