CAVITE, Philippines – Dahilan sa matinding selos, tinadtad ng saksak ng isang naburyong na mister ang kanyang dating kinakasama na idinamay pa ang 3 anyos na sariling anak kamakalawa sa Queensrow West, Bacoor City.
Idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan ang biktimang kinilalang si Mylene Justiniani, 31-anyos.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang 3 anyos na anak nitong si Jack Dondoyano, nasa ligtas ng kalagayan.
Kasalukuyan namang tinutugis ng pulisya ang tumakas na suspek na si Alvin Dondoyano, nasa hustong gulang, driver ng multicab at residente ng Brgy. Queensrow East ng lungsod na ito, ama ng batang biktima.
Sa imbestigasyon ni PO3 Michael Legaspi kasalukuyang lulan ng motorsiklo ang mag-ina nang madaanan ang suspek kung saan nag-usap ang dating magkarelasyon na nauwi sa matinding komprontasyon.
Nabatid na nagseselos ang suspek sa biktima dahilan sa hinalang may iba na itong minamahal at dito’y nagkasakitan pa ang mga ito.
Nairita naman ang suspek matapos na mapahiya kaya kinuha ang patalim at inundayan ng saksak ang ginang gayundin ang kaniyang 3-anyos na anak saka mabilis na tumakas.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya sa kasong ito.