2 Marines nagbarilan sa Basilan, 1 patay

MANILA, Philippines — Bala ang sumalubong sa noche buena ng dalawang miyembro ng Philippine Marine matapos magkainitan at magbarilan sa Basilan kagabi.

Nasawi sa insidente si Sgt. Errol Molin Chaves, 31, ng Barangay Poblacion, Bingwan, Iloilo City matapos magtamo ng tama ng bala sa dibdib at braso.

Sugatan naman ang nakaalitang si Private First Class Dave Bryan Cerbito Abang, 23, ng Tacurong City na ngayon ay nagpapagaling sa ospital.

Ayon sa pangunang imbestigasyon, nakapwesto ang dalawa sa checkpoint sa Sitio Canas, Barangay Calang Canas sa bayan ng Maluso nang magkasagutan.

Nauwi sa barilan ang pagtatalo nina Bingwan at Abang bandang 11:30 kagabi.

Ang kanilang M-16 assault rifles ang ginamit sa barilan.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.

Show comments