MANILA, Philippines – Sinunog ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang apat na heavy equipment matapos salakayin ang construction company sa Barangay Gumaos, bayan ng Paracale, Camarines Norte kamakalawa ng hapon.
Ito’y ilang oras bago ideklara ang unilateral ceasefire ng NPA mula alas-12 ng hatinggabi ng Disyembre 24 hanggang Biyernes. Ang nasabing ceasefire ay magpapatuloy sa Dec. 31 hanggang Enero 1, 2015 at para naman sa papal visit ay mula Enero 15-19, 2015.
Samantala, ang AFP ay nagsimulang mag-obserba ng isang buwang unilateral ceasefire simula noong Martes (Dec.18) hanggang Enero 19, 2015.
Base sa ulat ni Lt. Col. Medel Aguilar, commander ng Army’s 49th Infantry Battalion, dakong alas-2 ng hapon nang salakayin ng mga rebelde ang Varin Construction Company.
“A backhoe, road roller and two payloaders of the Varin Construction Company were burned by suspects who introduced themselves as NPA members,” pahayag ni Aguilar.
Kinondena naman ni AFP Southern Luzon Command Chief Major Gen. Ricardo Visaya ang insidente dahil ang nasabing kumpanya ay nagsasagawa ng konstruksyon ng tulay sa naturang barangay.
Napag-alamang nagmamatigas ang may-ari ng nasabing kumpanya na magbigay ng revolutionary tax kaya isinagawa ng mga rebelde ang panununog.
Sa kabila ng insidente, alinsunod sa kautusan ng liderato ng AFP ay magpapatuloy ang pag-oobserba ng mga sundalo sa suspension of military operations (SOMO) laban sa NPA rebs.