MANILA, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng 40-anyos na babae na sinasabing kumalas sa bawal na pakikipagrelasyon matapos itong pagsasaksakin ng kanyang lover sa harap ng karinderya sa Central Barangay, Dipolog City sa Zamboanga del Norte kamakalawa ng umaga.
Idineklarang patay sa Zamboanga del Norte Medical Center ang biktimang si Nelda Porlas habang arestado naman ang 55-anyos na suspek na si Feliciano “Fell” Pastor.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, labis na dinamdam ng suspek ang pakikipaghiwalay matapos mapagtanto ng biktima na walang patutunguhan ang kanilang bawal na relasyon.
Nabatid na iniwasan at pinagtaguan ng biktima ang suspek hanggang sa makorner siya sa harapan ng Kanto Fiesta Carinderia sa kahabaan ng Lacaya Street sa panulukan ng General Luna Street sa nasabing barangay.
Gayon pa man, tumanggi na ang biktima na makipagbalikan sa suspek hanggang sa maganap ang pamamaslang.
Nasakote ang suspek matapos rumespode ang pulisya sa crime scene habang hawak pa ang duguang patalim na nagkagulo ang mga tao bunga ng insidente.
Narekober ang kapirasong papel na naglalaman ng sulat ng suspek na kaya niya pinaslang ang biktima ay dahil hiniwalayan siya nito.