TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Sa rehas na bakal magdiriwang ng Pasko ang bagitong pulis na sinasabing nag-amok at tangkang magpasabog ng granada matapos itong arestuhin ng kanyang kabarong pulis sa Barangay Labben, bayan ng Allacapan, Cagayan kamakalawa. Sa pahayag ni P/Senior Insp. Joefferson Gannaban, hepe ng Allacapan PNP, problema sa pamilya ang isa sa motibo kaya nagwala ang suspek na si PO1 Marlon Biraquit ng Regional Public Safety Battalion sa Tuguegarao City. Base sa police report, naglasing at naghamon ng away ang suspek na may hawak na granada. Gayon pa man, naagapan ng mga pulis na rumesponde na maagaw sa senglot na pulis ang hawak nitong granada bago pa alisin ang safety pin.? Dahil sa eskandalo, kinasuhan ng illegal possession of explosives si PO1 Biraquit na walang kaukulang piyansa.