BULACAN, Philippines - Tatlong notoryus na drug trader ang napaslang makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa inilatag na checkpoint sa Viola Highway, Brgy. Maronquillo, bayan ng San Rafael, Bulacan noong Huwebes ng gabi.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Ferdinand Divina, Bulacan PNP director, dakong alas-9:15 ng gabi nang makaengkuwentro ng pulisya ang limang armadong kalalakihan sa inilatag na checkpoint.
Kinilala ang mga napatay na sina Rolando Varilla ng Barangay Binagbag, Angat, Bulacan; Nelson Inosanto, at si Lawrence Mangahas, kapwa nakatira sa Barangay Pulo, bayan ng San Rafael, Bulacan.
?Bago maganap ang shootout ay nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng pulisya kaugnay sa tatlong kalalakihan na sumakay sa itim na Hyundai Starex van (WJN 883) kung saan iniwan ang tatlong motorsiklo saka tinabunan ng damo.
Gayon pa man, hinintay ng mga operatiba ang pagbabalik ng nasabing van pero sa halip na sumailalim sa checkpoint ay nagpaputok pa ng baril ang mga sakay nito.
Sumiklab ang matinding shootout hanggang sa bumulagta ang tatlo habang nakatakas naman ang dalawang kasabwat.
Narekober ang Starex van na sinasabing nakarehistro sa pangalan ni Laurence Mangahas ng #343 Barangay Pulo sa bayan ng San Rafael, dalawang cal. 38 revolver, dalawang pouches ng shabu, tatlong balot ng shabu, 20 piraso na sachet ng shabu na may 54.3 gramo, cartridge ng 5.56 rifle, basyo ng 9 mm pistol, 6-cartridge ng cal. 38 revolver at mga bala ng baril.