TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Isang detainee na may kasong drug pushing ang natagpuang namatay na nakatali ang leeg ng sintas ng sapatos sa kanyang selda sa presinto ng pulisya sa Pacdal Circle, Baguio City kamakalawa ng umaga. “Walang pinatay dito sa istasyon, nag-suicide siya,” pahayag ni Baguio City PNP Chief P/Senior Supt. Tirso Manuli kaugnay sa pagkamatay ni Glen Valle ng Santo Niño Subdivision. Natagpuang lawit ang dila ni Valle na nakatali ng sintas ng sapatos ang leeg sa selda ilang oras matapos arestuhin ng pulisya dahil sa pagtitinda ng droga sa Victoria Village, Baguio City. Idineklarang patay sa Baguio General Hospital and Medical Center ang biktima. Pansamantalang hindi muna magpapalabas ng komento si Manuli habang sinisiyasat ng Scene of the Crime Operatives ang kaso.